Back to 2024 Filipino Worship Service Weekly List

True Life Bible-Presbyterian Church
FILIPINO WORSHIP SERVICE

On Sundays, 10.30am, at RELC Level 6, Room 601.
Please contact Bro Jose Lagapa: 81853623 anytime.


Mahal na mga Kapatid at Kaibigan,

Welcome po sa Filipino Worship Service!

Meron tayong isang atletang Filipino sa Olympics na ang motto ay, “Walang hinto hanggat walang ginto.” Sa totoo lang, ito ang ginagawa ng bawa’t Kristiyano sa ating paglilingkod sa Panginoon, hindi dapat basta-basta at tamad na pagsisilbi. Lalo na sa mga nag-aangking tinawag ng Diyos upang maglingkod nang buong-panahon, dapat laging tunguhin ang pinakamahusay na magagawa para sa Panginoon. Aaminin natin na nagkukulang tayo sa Kanyang kaluwalhatian ngunit hindi ibig sabihin na hindi natin gagawin ng maigi ang ating tungkulin. “Sapagka't ang ibang pundasyon ay hindi maaring ilagay ninuman kaysa iyong nakalagay na, na ito ay si Jesu-Cristo. Ngayon kung ang sinumang tao ay magtatayo sa ibabaw ng pundasyong ito ng ginto, pilak, mga mahalagang bato, kahoy, tuyong damo, pinaggapasan; Ang gawa ng bawa't tao ay magiging hayag: sapagka't ilalantad ito ng araw, dahil ito ay ipahahayag sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy ang susubuk sa gawa ng bawa't tao kung anong uri ito. Kung mananatili ang gawa ng sinumang tao na kaniyang naitayo sa ibabaw nito, ay tatanggap siya ng gantimpala” (1 Corinto 3:11-14). Sinabi ni Calvin tungkol kay Apostol Pablo, “Pinababalaanan niya sila na balang-araw ay mahahayag ang gawain ng bawat tao kung anong uri ito, gayunpaman maaaring ito ay pansamantalang nakakubli, na para bang sinabi niya: ‘Maaaring mangyari nga, na ang mga manggagawang walang prinsipyo. nawa'y manlinlang pansamantala, upang hindi mabatid ng sanlibutan kung gaano kalayo ang ginawa ng bawa’t isa nang tapat o may pandaraya, ngunit kung ano ang ngayon ay tulad ng nakabaon sa kadiliman ay kinakailangang mahayag, at kung ano ang maluwalhati ngayon sa paningin ng mga tao, ay dapat na bumagsak sa harapan ng Diyos, at ituring na walang halaga.’”

Ang nasa ibaba ay ang pagpapatuloy ng isang salin sa artikulo ng ating Pastor, The Rev Dr Jeffrey Khoo. Ito ay inilathala sa True Life BPC Weekly noong 23 June 2024. Basahin at manalangin.

TINATAWAG KA NG DIYOS (GOD IS CALLING YOU) - 2/2

Maaari ko bang itanong ang mahalagang tanong na ito ngayon? Naniwala ka ba sa Panginoong Jesukristo? Kung wala pa, ikaw ay isang tao na nakatayong hinatulan sa harap ng Diyos, hinatulan sa iyong kasalanan, hinatulan na harapin ang nagniningas na paghatol ng walang hanggang apoy ng impiyerno. Ngunit alamin, mahal na kaibigan, na mahal ka ng Diyos, at ninanais na makatakas ka sa kakila-kilabot na paghatol na darating. Paano makatakas? Sinabi ni Pablo sa Roma 10:9, “Na kung ipahahayag mo sa iyong bibig ang Panginoong Jesus, at mananampalataya sa iyong puso na binuhay siyang ng Diyos mula sa mga patay, ikaw ay maliligtas.” Magtapat at manalig kay Jesus Cristo ngayon din! Huwag mag-antala! Ang kaligtasan ay hindi nagkakahalaga ng kahit isang sentimo! Ang kaligtasan ay hindi isang bagay na maaari mong pagtrabahuhan. Ang lahat ng gawain ay kay Cristo na. Kaya nga sinabi ni Pablo sa talatang 5 na ang lahat ay sa pamamagitan ng biyaya - “kami ay tumanggap ng biyaya.” Sinasabi nito sa atin na ang kapatawaran ng kasalanan at buhay na walang hanggan ay ang libreng handog ng Diyos kay Cristo. Hindi mo ba matatanggap ang handog ito ngayon? Magsisisi ka! Maniwala ka!

Upang Ipangaral ang Ebanghelyo ni Kristo

Kasama rin sa tawag na maniwala sa Ebanghelyo ni Cristo ang tawag na ipangaral ang Ebanghelyo ni Cristo. Ito ay malinaw na itinuro ni Pablo sa talata 1: “Si Pablo, isang lingkod ni Jesucristo, na tinawag upang maging apostol, na ibinukod sa ebanghelyo ng Diyos.” Palibhasa'y binili siya mula sa paghatol ng kasalanan, si Pablo ay pagmamay-ari na ni Jesus bilang Kanyang lingkod. Ang salitang "lingkod" dito ay tumutukoy sa isang alipin. Ngayon, ano ang isang alipin? Sa Lumang Tipan, ang isang alipin ay naglingkod sa kanyang panginoon sa loob ng anim na taon, at sa ikapito, siya ay palalayain. Bagaman siya ay pinalaya, may probisyon para sa kanya na piliin na manatiling alipin sa bahay ng kanyang panginoon kung gusto niya. Mababasa natin ito sa Exodo 21:5–6, “Datapuwa't kung maliwanag na sabihin ng alipin, Aking iniibig ang aking panginoon, ang aking asawa, at ang aking mga anak; ako'y hindi aalis na laya: Kung magkagayo'y dadalhin siya ng kaniyang panginoon sa Dios, at dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga ng isang pangbutas; at paglilingkuran niya siya magpakailan man.” Siya ay naging isang alipin. Kaya ang isang alipin ay isang kusa at masayang alipin. Mahal niya ang kanyang amo dahil sa pagmamahal ng kanyang amo sa kaniya, at gusto niyang pagsilbihan ang kanyang mabuting amo habang buhay.

Ano ang tiyak na tungkulin ni Pablo bilang isang alipin? Siya ay “tinawag upang maging isang apostol.” Ang salitang “apostol” ay literal na nangangahulugang isang “mensahero.” Si Pablo ay isang mensahero para sa Diyos. Anong mensahe ang ipinangaral niya? Ipinangaral niya ang “Ebanghelyo ng Diyos.” Si Pablo ay “ibinukod sa Ebanghelyo ng Diyos.” Ito ay nagpapaalala sa atin ng tawag ng Diyos kina Pablo at Bernabe sa ministeryo ng Ebanghelyo sa Mga Gawa 13:2. Ang Banal na Espiritu ay nagsalita sa Simbahan sa Antioquia, “Ibukod mo sa akin sina Bernabe at Saulo (o si Pablo) para sa gawaing itinawag Ko sa kanila.” Kaya't ang paghihiwalay dito ay may kinalaman sa isang paghihiwalay sa mundo at sa lahat ng sekular na gawain upang maging ganap na abala sa ministeryo ng Ebanghelyo. Ito ay isang tawag sa buong-panahong (full-time) Kristiyanong paglilingkod.

Bilang mga Bible-Presbyterians, naniniwala tayo na tinatawag ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga banal para sa buong-panahong Kristiyanong paglilingkod. (Basahin ang isang patotoo ng naturang tawag sa isang kamakailang inilabas na aklat - When God Calls - ni Rev Stephen Khoo na makukuha sa www.febc.edu.sg). Dalangin ko na ang Diyos ay tumawag ng mas marami pang magbibigay sa kanilang buhay para sa buong-panahong paglilingkod. Nagpapasalamat tayo sa Diyos sa paggamit ng True Life BPC para magtatag at sumuporta sa maraming misyon at misyonero sa ibang bansa. Ngunit tandaan na ang ilan sa mga lugar na ito ay walang naninirahang mga tinawag sa buong-panahong paglilingkod o sinanay bilang isang pastor. Ang ilan sa ating mga lokal na simbahan ay wala ring mga pastor. Habang nananalangin tayo sa Panginoon na buksan ang higit pang mga pintuan para magtayo ng mga simbahan, kailangan din nating manalangin nang higit pa para sa Diyos na magtayo ng mga buong-panahong maglilingkod upang magpastol sa kawan ng Diyos dito at saanman. Kapag walang pastol, nagkakalat ang mga tupa (Mateo 9:36).

Ngayon ang tungkulin ng pangangaral ng Ebanghelyo ay hindi lamang para sa buong-panahong lingkod o pastor, kundi para sa lahat ng mananampalataya. Matatagpuan natin ito sa Roma 1:5–6, “Sa pamamagitan niya ay tumanggap kami ng biyaya at pagkaapostol, para sa pagtalima sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kaniyang pangalan: Kabilang sa kanila ay kayo rin na mga tinawag ni Jesu-Cristo.” Ang lahat ng mga Kristiyano ay tinawag ni Jesucristo upang ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. Ang mga Kristiyanong taga-Roma ay aktibo sa pangangaral ng Ebanghelyo. Sa bersikulo 8, pinasalamatan ni Pablo ang Diyos para sa patotoo na ibinigay ng mga Kristiyanong taga-Roma, dahil “ang iyong pananampalataya ay binabanggit sa buong mundo.” Tinawag ka ng Diyos upang ipangaral ang Kanyang pinagpala at maluwalhating Ebanghelyo, ginagawa mo ba ito? Ating abutin ang ating pamilya, kaibigan, kasamahan, at maging mga estranghero sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Cristo na siyang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan ng lahat ng naniniwala. “At itong ebanghelyong ng kaharian ay maipangangaral sa buong sanlibutan bilang isang saksi sa lahat ng mga bansa; at sa gayon ang katapusan ay darating.” (Mateo 24:14).

Filipino FEBC students July–November, 2024 (L–R seated: Car Vincent Magkidong, Fredo Mendoza, Andrew Adolacion, Jose Trinipil II Lagapa, Ricardo Mejedo, Crissan Dave Lariba; standing: Maria Mae Durango, Charlyn Julian, Tiffany Gayon)

1 Goldhill Plaza, #03-35, S(308899)
admin@truelifebpc.org.sg
6254 1287

© 2024 True Life Bible-Presbyterian Church