Back to 2022 Filipino Bible Fellowship Weekly List

True Life Bible-Presbyterian Church
FILIPINO BIBLE FELLOWSHIP

On Sundays at 3pm. Please contact Bro Jose Lagapa: 81853623 anytime.


Dear Brethren and Friends,

Welcome to the Filipino Bible Fellowship!

Please take the time to read and understand the significance of having the children join the main worship service. “There was not a word of all that Moses commanded, which Joshua read not before all the congregation of Israel, with the women, and the little ones, and the strangers that were conversant among them.” (Joshua 8:35) – Bro Jose

ANG MGA BATA SA PAGSAMBA (2/2) – by Pastor Jeffrey Khoo

Mga Sakramento

Mayroong dalawang sakramento sa simbahan—Bautismo sa Tubig at Banal na Komunyon. Bilang mga mananampalataya na nakauunawa sa Tipan ng Biyaya, ang mga sakramento ay tumutulong sa pagtangkilik sa pamilya na nasa Tipan na maunawaan ang Ebanghelyo at ang Komunyon ng mga Banal. Iyon ang dahilan kung bakit ginagawa natin ang pagbibinyag sa sanggol, hindi dahil ang ating mga sanggol na minsang nabautismuhan ay kusang maliligtas, ngunit sila ay nasa ilalim ng pangangalaga ng Diyos sa isang espesyal na paraan. Binibigyang-pansin ng Diyos ang ating mga anak at nagsimulang kumilos sa kanilang murang isip at puso tungo sa kaligtasan. Bilang mga magulang, inaangkin natin ang Kanyang mga pangako para sa kanila at sinusunod ang Kanyang utos na palakihin sila sa pananampalataya sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan at panalangin. Iyan ang dahilan kung bakit naipahayag ni Apostol Pedro, “At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.” (Mga Gawa 2:38–39). Nang magtanong ang bantay sa Filipos, “… Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” (Mga Gawa 16:30). Ang sagot mula kay Apostol Pablo at sa kanyang kasamang ebanghelistang si Silas ay, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan. At sa kaniya’y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay. At sila’y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka’y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya. At sila’y kaniyang ipinanhik sa kaniyang bahay, at hinainan sila ng pagkain, at nagalak na totoo, pati ng buong sangbahayan niya, na nagsisampalataya sa Dios.” (Mga Gawa 16:31–34). Siguradong kasama sa bahay niya ang mga anak niya. Lahat sila ay bininyagan.

Paano ang tungkol sa Banal na Komunyon o ang Hapunan ng Panginoon? Ang mga bata ay hindi nakikibahagi sa Hapunan ng Panginoon hanggang sa hayag na pinagtibay nila ang kanilang pananampalataya sa edad na 12 o 13 (cf Lucas 2:41–42). Ito ay dapat nilang gawin nang kusang loob. Dahil naranasan nila ang gawain ng biyaya ng Diyos sa kanilang buhay, nanaisin nilang magpahayag ng pananampalataya sa Panginoong Jesus at magnanais na maging mga miyembro ng simbahan. Inoobserbahan nila kung paano inihahain ang Hapunan ng Panginoon sa Araw ng Panginoon. Ang Tinapay at ang Saro ay sumasagisag sa katawan at dugo ni Cristo na isang nakikitang pagpapakita ng Pagbabayad-sala—ang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na mag-uli ng kanilang Tagapagligtas ayon sa Banal na Kasulatan (1 Cor 15:1–4). Itinuro sa kanila ng Banal na Espiritu ang kahulugan at kahalagahan ng Banal na Komunyon at ipinagkaloob sa kanila ang banal na pagnanais na magkaroon ng gayong pakikipag-isa sa kanilang Panginoon at sa Kanyang simbahan. Kung ilalayo natin sila sa “main worship service”, pinagkakaitan natin sila ng pagkatuto mula sa mahalagang paraan ng biyaya.

Ang Bendisyon

Ang bendisyon ay isang maikling panalangin na binibigkas ng isang inorden na ministro para sa banal na tulong at pagpapala sa mga tao ng Diyos, at kadalasang ginagawa sa pagtatapos ng isang pagsamba. Dapat nating malaman na ang bendisyon ay hindi isang pormalidad lamang, kundi isang tunay na pagpapala sa lahat ng sumamba sa Panginoon, sa Espiritu at sa katotohanan, na tinitiyak na ang lahat ng ibinigay, hiniling, at natipon sa pagsamba ay matutupad ayon sa banal na layunin at pangako. Ang mga mananamba ay makabubuting huwag umalis sa loob ng simbahan hanggang sa maibigkas ang bendisyon. Bakit makaligtaan ang isang mahalagang bahagi ng paglilingkod—ang pagkakaloob ng banal na pabor at pagpapala? Parang nawawalan ng dessert pagkatapos ng main course!

Bakit kailangang makaligtaan ng ating mga anak ang pinagpalang bagay na ito? Naunawaan ng mga tao noong panahon ni Cristo ang kahalagahan ng gayong pagpapala, at hinangad nila ito para sa kanilang mga anak. Handang-handa at nasiyahan ang ating Panginoon na pagpalain ang mga maliliit na bata, “At kinalong niya sila, at sila’y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.” (Marcos 10:16). Ito, nakaugalian ng pastor pagkatapos ng serbisyo kapag nakatayo siya sa pintuan upang batiin ang mga miyembro ng simbahan lalo na ang mga bata upang ipatong ang kanyang kamay sa kanilang ulo at bigkasin ang isang basbas sa kanila. Malugod na tinatanggap ito ng mga bata. Ipinaaalaala sa kanila sa bawat pagkakataon kung paano ang kanilang makalangit na Ama ay isang napakabuting Diyos na mahal na mahal sila at gustong pagpalain sila nang husto. Bakit kailangang makaligtaan ng mga bata ang gayong dobleng pagpapala?

Mga Magulang

Ang mga bata ay dapat kasama ng kanilang mga magulang sa panahon ng pagsamba. Mabuti para sa pamilya na sama-samang sumamba para “tayo’y mangagtinginan upang tayo’y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa;” (Mga Hebreo 10:24). Maaaring udyokin ng mga magulang ang kanilang mga anak na sambahin nang wasto ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa sa panahon ng paglilingkod kapag inaawit nila ang mga himno nang buong paggalang, nagbabasa ng mga Banal na Kasulatan nang may pagpipitagan, nakayuko ang kanilang mga ulo upang manalangin nang may pagpapakumbaba, ibinibigay sa Panginoon ang kanilang ikapu at mga handog (tithes and offerings) nang may kagalakan, nakikinig sa sermon nang maasikaso. Sa pamamagitan ng kanilang mga magulang at pamilya ng simbahan, natututo ang mga bata kung paano sumamba nang wasto sa tamang espiritu at paraan.

Kapag nakilahok ang ating mga anak sa pagsamba, sila ay magiging mausisa at magtatanong. Ito ay bahagi ng proseso ng pag-aaral at paglago. Kapag tinanong ng ating mga anak kung ano ang ibig sabihin ng bahaging ito ng serbisyo o bahaging iyon ng serbisyo, bakit natin ito ginagawa o bakit natin ginagawa iyon, ang mga magulang ay dapat na makasagot at makapagpaliwanag, at makapagturo pa. Isaalang-alang kung ano ang iniutos ng Panginoon sa mga Israelita, “At inyong ipangingilin ang bagay na ito, na pinakatuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man. At mangyayaring pagdating ninyo sa lupain na ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay inyong tutuparin ang paglilingkod na ito. At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito? Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.” (Exodo 12:24–27).

Ang gayong pagtuturo ng mga magulang sa pamamagitan ng halimbawa ay hindi lamang dapat gawin sa simbahan kundi maging sa tahanan. Kapag ginawa ng mga magulang ang kanilang mga personal na debosyon (QT, RPG), magsabi ng biyaya bago kumain, kumuha ng mga kurso sa FEBC at gumawa sa kanilang mga takdang-aralin, seryosohin ang kanilang pananampalataya at aktibong ituloy ang kabanalan, ang mga bata ay matututo at matutularan.

Nakikita natin ang kahalagahan ng pagkain nang sama-sama bilang isang pamilya, hindi ba? Sinisigurado nating uupo ang ating mga anak sa hapag-kainan. Sabi nga, “Ang pamilyang kumakain ng sama-sama ay nananatiling magkasama.” Bakit dapat iba ang pagsamba? Sa Araw ng Panginoon, makikita natin ang pagsamba ng pamilya nang sama-sama sa bahay ng Diyos. Bakit dapat paghiwalayin ang mga bata upang magkahiwalay ang pagsamba? Dapat ay walang ganoong pagbubukod o paghihiwalay. Dapat nating panatilihing sama-sama ang pamilya. Ang mga magulang ay may pangunahing pananagutan sa pag-didisipolo at pagdidisiplina sa kanilang mga anak sa patnubay ng Panginoon. Huwag kaligtaan na dalhin sila sa Sunday School! “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” (Kawikaan 22:6).

At tayo’y mangagtinginan upang tayo’y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa; Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.” (Mga Hebreo 10:24–25). JK

1 Goldhill Plaza, #03-35, S(308899)
admin@truelifebpc.org.sg
6254 1287

© 2022 True Life Bible-Presbyterian Church